Ano nga ba ang pag-ibig, mga kaibigan?
Kahit na ang isang taong may higit na karanasan,
Maaring ‘di ito tunay na maunawaan,
O maipaliwanag sa pinakamalinaw na paraan.
Ang pag-ibig ay tila k’wentong walang katapusan,
Isang bukas na aklat ng maraming karanasan,
Isang diksyunaryong maraming kahulugan,
Ngunit lahat tayo ay nakaramdam at naranasan.
Ang isang nagtapos na pag-iibigan, tulad ng kasaysayan,
Ay hindi na maibabalik kailanman;
Nagdulot man ito ng tamis at naging kanlungan,
Alaala na lamang ang maaaring balikan.
Kaya kung nagmamahalan sa kasalukuyan,
Damdamin ng isa’t isa’y pahalagahan;
Damhin ang bawat oras, puso ay pakaingatan,
Lalo’t tunay na pag-ibig ang nararamdaman.
H’wag mabahala, maulit man ang kasaysayan,
Bawat pag-ibig, may aral na kapupulutan;
Mga alaala’y tila aninong mananatili sa ‘ting katauhan,
Sa ating puso, kaluluwa at kaibuturan…
–Len Mindoro, ika-01 ng Pebrero 2019
Maligayang buwan ng PUSO at PAG-IBIG, mga mahal kong kaibigan!